Marikit

Marikit
Masdan mo ang aking karikitan

Friday, June 10, 2011

Kalayaan o Kahalayan?

Ilang oras at minuto na lamang at muli natin ipagdiriwang ang ika-113th Anibersayo ng Kalayaan ng Pilipinas. Sabay-sabay natin gugunitain at muli tayong ililipad sa nakaraan upang magbalik tanaw sa napakahalagang pangyayari sa kasaysayan na naganap sa ating bansa, ang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas at kasabay nang pagtugtog ng pambansang awit sa Kawit, Cavite bilang simbolo ng pagsilang ng kasarinlan ng bansang Pilipinas. Sa pagbabalik sa mga pahina ng nakalipas, ipinamalas ng mga magigiting na Pilipino ang kanilang katapangan upang sumilay ang liwanag buhat sa madilim na kinasadlakan ng kalunos-lunos na bayan ni Juan dela Cruz.

Ang pagsasariwa sa kagitingan ng mga Pilipinong nakipaglaban at nagbuwis ng kanilang buhay para makamit ang dakilang hangarin ay nagbibigay sa atin ng lakas at determinasyon upang magkaisa at manguna sa anumang hamon na hinaharap natin sa kasalukuyan at maging sa mga darating pang panahon. Maging inspirasyon ang pagsasakripisyo ng ating mga ninuno upang palakasin ang Republika ng Pilipinas na pangunahing sandigan na kumikilala at nagbibigay ng pagpapahalaga sa dignidad ng bawat Pilipino, lalong-lalo na sa usaping pampamilya, na siyang pundasyon at pinakamahalagang salik ng ating lipunan.

Ngayon ang ating bansa ay humaharap hindi lamang sa iisang hamon na kung hindi magkakaisa ay maaring pagmulan ng pagkakawatak-watak ng sambayang Pilipino. Hindi lingid sa ating kaalaman ang samu’t saring problema dinaranas ng bayan ni Juan, ito man ay dulot ng ating kalikasan o bunga ng kasamaan ng tao hindi lamang sa kanyang kapwa, maging sa kalikasan din.

Bagama’t ang ating mundo’y patuloy sa pag-ikot, pag-inog, pagiging modernisado sa ibat’ ibang larangan, ay maari na itong dahilan upang makalimot na tayo sa ating pinagmulan. Ang siyensiya at medisina ay patuloy na umuunlad sa kapakinabangan ng bawat isa lalo na ng ating bayan. Ngunit ang siyang nakalulungkot at nakatatakot isipin ay ang malaking pagbabago ng mga Pilipino, hindi para sa ikabubuti nito, kungdi ang pagkabulid natin sa kasamaan.

Kung iisa-isahin ko ang mga ito, kulang ang isang araw para matapos ko ang aking katha. Kung iguguhit ko man ito, ang aking obra’y punong-puno ng pighati’t pagka-poot na ang mangingibabaw na tinta’y itim at pula na simbolo ng aking marubdob na damdamin. Kung ito’y isasaliw ko sa isang musika, hindi kaya’t punebre ang siyang tiyak nitong kalalabasan.

Isang bansa ngayo’y nahahati dahil sa usaping may kinalaman hindi lamang sa buhay at dignidad ng bawat Pilipino, subalit maging sa prinsipyo at moralidad ng bawat isa. Kung noon ang mga ninuno natin ay nagsama-sama, nagkaisa at nagbuwis ng buhay para makamtan ang kalayaang matagal nang ipinagkait ng mga dayuhang yumurak sa ating lahi. Ngayon kakaibang laban naman ang ating hinaharap, at ang labang ito ay mas matindi pa kung ihahalintulad natin noon, sapagkat kapwa Pilipino ngayon ang siyang ating kalaban. Mga Pilipinong hindi kumikilala sa kahalagahan ng buhay at dignidad ng bawat pamilyang Pilipino.

Mas masarap gunitain at ipagdiwang ang ating kalayaan kung sadyang tayo ay malaya na sa tunay na ibig sabihin nito. Malaya ang iyong puso at isipan, malaya ang iyong kaluluwa sa anumang hangarin. Malayang magmahal at mahalin, malayang gawin ang ninanais para sa sarili, kapwa at sa bayan.

Kumilos na tayo mga kapatid patungo sa Daang Matuwid, iwasan na natin ang Daang Malubak at Butas-butas. Ang bukas at ang kapalaran natin ay hindi natin hawak at kayang saklawan. Huwag na nating ipagpabukas kung ano man ang nais natin maging kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon. Iisa lamang ang ating buhay, Iisa ang pinipintig ng ating mga puso, Iisa lamang ang kulay ng ating dugo datapwa’t iiba ang ating kulay, Iisa ang Siyang nagbigay ng buhay natin, Muslim man o Katoliko, Bisaya o Intsik, Si Alah man siya o si Jesus, ang importante, Iisa ang pinaghugutan natin ng hiningang araw-araw na bumubuhay sa ating pagkatao. Matuto na tayo at maging instrumento ng pagbabago tungo sa maunlad at malayang bansa.
allvoices

No comments:

Post a Comment