Marikit

Marikit
Masdan mo ang aking karikitan

Wednesday, May 18, 2011

Si Chairman Morato at ang PCSO


Kamakailan ay naging sentro ng kontrobersya ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa pagtatangka ng ilan na bigyan ng malisya ang planong paglipat ng tanggapan ng ahensya mula sa Quezon Institute compound patungo sa Philippine International Convention Center complex sa Pasay City.
Ang masakit pa nito ay ginagamit pang dahilan ng mga nais manira sa bagong liderato ng PCSO ang mga batang may sakit na kanser para lamang hadlangan ang plano nilang paglipat ng tanggapan.
Ang isa sa pinakamaingay na kritiko sa planong paglipat ng opisina ng PCSO ay si dating Chairman at naging director din ng PCSO na si Manoling Morato na kilala sa kanyang pagiging maputak sa harap ng media.

Hindi naman kasi sikreto ang naging banggan sa pagitan ni Morato at kasalukuyang PCSO Chairman Margie Juico lalo na nang kuwestyunin ng huli kung saan napunta ang milyun-milyong pisong halaga ng donasyon na ibi­nigay nito sa Philippine Tuberculosis Society Inc. at iba pang mga maanomalyang transaksyon na kinasangkutan ng liderato ni Morato sa PCSO.
Kaya natural lamang na nais bumawi ni Morato kay Juico at ang isyung pinalutang niya na sinakyan naman ng ibang mga kababayan natin ay tungkol sa Center for Life Improvement and Health Development House Project na mas kilala sa simpleng bansag na Child House.
Ang Child House ay pansamantalang tuluyan ng mga batang may sakit na kanser at iba pang may mga malubhang karamdaman na nakapaloob din sa QI compound at sinusuportahan ng PCSO.
Paulit-ulit na ding sinabi ni Juico na hindi nila pababayaan ang Child House at ipagpapatuloy nila ang kasalukuyang tulong na ibinibigay nila rito kahit lumipat sila ng opisina bagama’t ito ay isang pribadong proyekto ng kilalalang hair stylist na si Ricky Reyes.

Dahil ito ay isang private initiative at nagkataon lang na ang lokasyon ay malapit sa kasalukuyang tanggapan ng PCSO, hindi naman tama na sila ang sinisisi ni Morato kung sakali at maapektuhan ang kanilang operasyon dahil sa planong paglipat ng PCSO ng opisina.
Pero sino nga ba si Manoling Morato? Mayroon ba siyang karapatang manumbat at palitawin na isa siyang mabuting tao na ang adhikain ay para tumulong sa mga kapus-palad? Sa kasamaang-palad ang sagot sa mga tanong na ito ay sa negatibo.
Kung matatandaan natin ay ilang beses na ding nasabit sa kontrobersya itong si Chairman Morato gaya na lang ng sampahan siya ng kaso ni Calito Mirando Jr. ng Dingalan, Aurora na bagama’t nanalo ng mahigit P120 million ang tinayaang kumbinasyon na 15-22-23-24-34-36 noong Marso 9,1996 ay hindi nakubra ang naturang premyo.
Base sa records ng kaso, binili ni Mirando ang kanyang tiket sa ACT Theater sa Cubao, Quezon City at swerte naman na ang kumbinasyong tinayaan niya ang lumabas ng gabing iyon.
Kinabukasan ay bumalik siya sa lotto outlet at doon nga ay nakumpirma na nanalo siya matapos mag-flash sa machine verifier ang mga salitang “congratulations for winning the jackpot prize”.
Noong Marso 18, 1996 o isang linggo pagkatapos ma­nalo ng kanyang tinayaang numero ay nagtungo si Mirando sa tanggapan ni Chairman Morato sa San Marcelino St. sa Ermita, Manila para kubrahin ang napanalunang premyo.
Subalit laking panlulumo niya nang biglang sabihin ni Morato na peke ang kanyang tiket at isang driver umano mula sa Lipa City, Batangas ang may hawak ng totoong nanalong tiket.
Wala siyang nagawa kundi umuwing bigo at luhaan at sa tulong ng mga nagmamalasakit na kaibigan ay nagsampa siya ng kaso laban kay Morato sa QC RTC Branch 215 sa sala ni Judge Thelma Ponferada.
Lumutang ang iba pang mga saksi na nagpatunay na lehitimo ang tiket gaya ni Edwin Alibuyog ng Philippine Gaming Management Corp (exclusive supplier ng lotto-dispensing computers) at iba pa, pero gaya ng inaasahan ay natalo pa din siya sa kaso.
Natalo sa kaso si Morando dahil wala siyang impluwensiya bagama’t lahat ng ebidensiyang inihain ay nagpapatotoo na siya talaga ang totoong jackpot winner.
Hanggang ngayon ay nakaapela ang naturang kaso sa Court of Appeals subalit nananatiling mahirap si Mirando dahil hinihintay niya pa rin na mapasakamay niya ang P120 million na inagaw sa kanya ni Chairman Morato.

allvoices

No comments:

Post a Comment